Annie B Chronicles: Oh Tukso….. Diligan Mo Ako

The Annie B. Chronicles 41: Oh Tukso….. Diligan Mo Ako

Ang init-init talaga. Nang over!

 

Nakakapaso… nakakapawis… nakaka-dry… nakaka-tuyooooot. Ang hapdi sa balat… ang tigas sa buhok… ang gaspang sa anit… ang kati-kateeee. Umaapoy… lumalagablab… kumukulo… uhaw na uhaaaaaw. Nakakainis… nakakayamot… nakakabato… nakakabaliiiiw.

Oh Tukso Diligan Mo Ako

Panahon na naman ng pagkabagot. The hot, nasty, blazing weather outside let’s you do nothing – unless pangarap mong magka-skin cancer at matigok from dehydration. Ang panget! Eh miski magpahid ng lotion ngayon eh nakakatamad din. Ilang hagod pa lang sa balat mo eh papawisan ka na, so hindi kakapit ang lagkit nito. Tapos since mahirap syang i-blend, magmumukha ka namang espasol dahil sa patchi-patche ang mga puti na mababakas. Pati ang magpabango badtrip din. Pagtinapangan mo ang pagbuga kaka-spray eh masangsang panigurado ang amoy mo. Tapos ilang minuto lang amoy lamay ka na, kasi hahalo na sa pawis at body chemical mo ang inispray mo. Kapag pa-wisik wisik lang naman ang nilagay mo, bago mo pa maisara ang takip ng bote eh nag-evaporate na sa tindi ng humidity ang bango mo. Kaka-ungas!

 

Pasensha na po sa mga talak ko. Ganyan talaga siguro kapag wala kang magawa. Ika nga, an idle mind is the devil’s idol di ba? Kung anu-anong kademonyohan tuloy ang pumapasok sa kukote ko. Kakabato kasi.

 

Alone again naturally ang drama ko dito sa flat. Parehas kasing nasa Pilipinas nakabakasyon ngayon ang mga flatmates kong sina Angel at Alexa. Mga bruhang yon lumarga nang hindi binabayaran ang TFC bill namin kaya wala din akong mapanood. Hindi ko na alam kung nagkita na ba ulit si Agua at si Bendita o kung tinalbugan na ni Victoria si Vera. Yun naman aming Kapitbahay Libreng Wifi eh nabuking na yata na nakiki-apid lang kami sa kanya kaya naglagay bigla ng password – kaya hindi rin ako maka-Fezbook, YM Chat o internet man lang. At siempre pa, may sumpong na naman ang Blackberry kong made-in-China…di tuloy ako maka-BBM. Haaay…to think ilang buwan na lang wala ka na talagang silbi. Ang saya di ba?

 

Nade-depress tuloy ako.

 

Halos isang buwan na rin kasi kaming hindi nagkikita ni Adam my love, my hero, my knight, my shining amor, my cupcake, mi amore, papable-jowa. Busy-bisihan kasi sya sa bagong business ventures nya sa Try State area ba yun? Ewan ko ba nung gi-noogle ko wala namang ganung pangalan ng State sa Amerika. Well, ewan ko, baka sa bandang Hawaii o Saipan yon. Whatevs Kebs! Bahala sya kung niloloko niya ako o hindi. Basta ako fateful. I’m a one-woman-one-man woman. Dalagang Pilipina. Busilak at walang bahid ng putik o mantsa o dumi ang puri.

 

Pero pano kung may ibang ma-meet si Adam doon sa US? Yung mas may asim pa sa akin? Mas low maintenance kesa sa ‘ken? Yung tipong aristocrata, hairess, royalting ang dating? Naku naman… mapra-praning na ako nito. Eh sino lang ba naman ako? Isang successful, independent, self-sufficient, self-conscious woman of the world lang naman di ba? Plus, pala-simba pa ako. Ma-horoscope at marunong pang umintindi ng Feng Shui. Magaling pa sa crossword puzzle at manghula ng showbiz blind items. Kaya ko ding mag-weather forecast at mag-type ng 100 words per minute. Kaya ba ng iba yun?

 

Bago pa man din akong tuluyang ma-possess sa kakaselos kay Adam at sa tindi ng init na bumabalot sa laman ko ay pumayag ako sa imbitasyon ng BFF kong si Sheila na gumimick at magsabog ng kagandahan at lagim sa buong sambayanan.

 

For a change, sa Outlet Mall ang lamyerda namin ni BFF Sheila. Naku, nakuba lang ako at namaga ang mga binti ko sa tagal naming naglibot doon pero zirowena naman ang efforts naming maka-score ng mga bonggang outfits on sale. On our way home, jackpot naman kaming may kabayang nag-offer ng carlift. Dobol jackpot din kasi may hitsu ang driver. Matangkad, moreno, baby-face at mala-Zuma ang pangangatawan – macho gwapito! Panay ang sulyap nya sa akin sa rear view mirror – patunay na effective pa rin ang freshness ko matapos mag-walkathon maghapon sa Outlet Mall. Si BFF Sheila nag-A for effort din pero sorry, ako ang kinindatan bago kami bumaba ng carlift. Pero bago pa tuluyang matalbugan, walang kakurap-kurap na hiningi ni BFF ang phone number ni macho gwapito sabay abot din ng calling card nya. Jhonard ang pangalan nya at pwede daw syang tawagan anytime. Presko huh? Pero yummy naman kaya infairness na rin.

 

Pag-uwi ko, nadama ko na naman ang aloneliness na nagbabadyang umatake any moment. Pagoda cold wave lotion na nga kami, la ocean deep pa ang lakad namin. Maya-maya pa, may I-ring ang Blackberry ko. Aba, new number. Sinitch kaya itich? Sasagutin ko na sana nang biglang tumigil ang ringing tone matapos ang tatlong kililing lang. Aayyy….Miss Kol????!!!!! Kacheapan huh? Kapal naman nito – ni hindi ko kakilala, wala sa directory ko – pero ang lakas ng loob magpa-return call??? Kape!!! Hay naku, kung sino ka man ka mang jologz ka eh manigas ka. Dedma.

 

After 3 minutes nag-ring ulit. Sabi ko kapag lumampas ng 3 kililing tsaka ko lang sasagutin. Aha! Miss Kol ulit. Kapaaaaaal ng fez! Akala mo tatawagan kita? Hindi ko aaksayahin ang hard earned dirhams ko kung kani-kanino lang noh? Dedma ulit. Maya-maya may nag-text naman – it’s the same number. Sabi sa text, “Hellow po. Jhonard po i2. Driver ng carlift kanina. Sorry wala me load eh. Muzta po? ;-)”

 

Ahhh…so sya pala yun. Ang bilis ha? Naihatid na nya si BFF Sheila sa flat sa lagay na yun? Kinilig ako bigla. Naalala ko yung kamachohan nya. Papable Kabayan. Kaya lang ang cheap, walang load. Jumejejemon pa.

Sayang naman… yummy pa man din.

 

Nagring ulit ang phone ko. Si BFF Sheila. “Uuyyy friend, anu naaaa??? Nakausap mo na si Papa Jhonard? Sabi ko tawagan ka eh. Magdate daw kayo. Aaayyyy… ahihihihihi!!!,” sabi ng kaibigan kong kerengkeng.

 

Hay naku, sabi ko ayoko nga. Ano na lang iisipin ni Adam – kung kani-kanino akong lalake nakiki-pagdate kapag wala sya? Pero sabi ni BFF wala namang makakaalam, besides I need some distraction right now kasi nangungulila ako. A friendly date won’t hurt naman daw. I’m just expanding my horizons by meeting new people. Oo nga, sabi ko. Panahon na rin siguro para lumabas ako sa kahong nagkukulong sa akin. Besides, Pinoy naman ito, I can be my natural self for a change. Kasi kapag nagde-date kami ni Adam medyo nakaka-imtimidate yung mga kakilala nya – mga elitista at edukada. Bawal mag-chewing gum, baka mapagkamalan kasi akong kambing. Bawal mangulangot, dumura, dumahak. Kunsabay kadiri naman talaga yon, pero paminsan-minsan ang sarap maging pasaway di ba? Anu kaya ang feeling nang may boyfriend ka pero makipag-date ka rin sa iba? Curious lang po ako.

 

Pero parang mali. Pano kung malaman ni Adam? Ano na lang ang mapi-feel nya? Baka isipin nya na slot ako. Bigla ko naisip si BFF – may sungay at may buntot this time. Sabi nya, “Frieeeeend… walang makakaalam kung walang magsasabi kay Adam. Isipin mo na lang lamang tiyan din si Jhonard. Huwag aksayahin ang pagkakataon. Makipag-date ka naaaaaaaa. Bwahahahahaha!!!” Ay, ganun pala ang hitsura ng demonyo. Naalala ko nga bigla kung gaano kalaki ang bukol… nung muscle sa braso ni Jhonard. Kanin na lang ulam na. Sige na nga. Sabi nga nila, “What happens when Adam is away, stays in Dubai.” Tama ba yun?

 

So masakit man sa kalooban ko eh tinawagan ko si Jhonard. Inaya nya ako makipag-dinner. Sa Barrio Fiesta daw. Aba, in fairnest, may taste naman. So kinagabihan, dumating ako sa Burjuman ng 30 minutes late sa usapan namin. Hay naku, kung talagang interestado sya sa akin magaantay sya di ba? Pagpasok ko sa Barrio Fiesta, nandun na nga sya – at hindi na nga sya nakapaghintay – umorder na sya at kumakain na. Naman! Romantic na sana eh nasira pa. Di bale, tuloy pa rin ang dinner. Dahil sa laki ng pangangatawan nya, hindi nakakapagtakang maganang kumain si Jhonard. Medyo naparami ang inorder namin. Kare-kare, crispy tadyang ng baka, bulalo, chicken inasal, sugpo sa aligue (my favorite!), lechong manok, ginataang sitaw at kalabasa, sarsiyadong hammour (another favorite!), laing tapos, akala ko nakuntento na sya pero may pahabol pang kalderetang kambing. Wow, Pista sa Nayon ba itu? Just like Adam, he seems to be generous, too. Naka-limang order din sya ng gulaman at sago at nag-dessert pa ng turon, puto bumbong at maja blanca na shinare din nya sa akin. Sweet noh?

 

So far, so good naman ang dinner date namin. Pinagtitinginan kami ng mga kabayan doon, malamang na-iintriga sa aming dalawa. Eh headturner naman talaga si Jhonard eh. Tapos tatlong mesa pa ang pinagdugtong ng mga waiter para magkasya lang ang mga inorder namin. Ang funny!

 

Ok na sa lahat kaya lang naramdaman ko na halos magti-thirty minutes na since naubos ni Jhonard ang huling pirasong turon na pinanghimagas nya eh hindi pa rin nya hinihingi yung bill sa waiter. Kinabahan ako. Pakiramdam ko eh wala syang balak magbayad. Well, baka naman kailangang signalan ko ang waiter tapos iaabot ko na lang sa kanya yung bill. So sinenyasan ko yung waiter for the bill, at nag-CR muna ako. Pagbalik ko after 10 minutes, aba ni hindi man lang dinampot ng mokong ang bill! Dedma? Nagbabasa kuning ng dyaryo. Naisip ko, sayang naman kung masira ang gabing iyon kung mabwibwisit ako. So ano pa nga ba, eh di ako rin ang nagbayad ng nilafang naming. Di ko na tinignan ang total. Basta inilabas ko ang credit card ko sabay ipit dun sa bill. Habang pinipirmahan ko ang resibo ay inisip ko na lang na pwede ring ipapalit n raffle coupons itong resibo ngayong DSS – malay mo manalo pa ako ng BMW di ba? Positive thinking, Annie…

 

Since nabundat kami sa dami ng kinain namin ay napagkasunduan na lang naming mag-stroll along the Jumeirah open beach. Romantic nga sya. Kilig na kilig naman ako. Hindi ko naramdaman kung gaano kalagkit ang feeling sa labas noon. Habang nag-HHWW kami, nakinig lang ako sa mga kwento nya.

 

More than a year na palang naka-visit visa si Jhonard pero wala pa rin syang nakukuhang matinong trabaho. Kotse ng kumpare nya yung sasakyang kina-carlift nya at wala syang valid UAE driver’s license. Lakas ng loob huh? Maingat naman daw sya kaya’t hindi pa sya napapa-trobol sa awa ng Diyos. Palipat lipat sya ng tinitirahan sa kung kani-kanuno nyang kaibigan para makatipid sa renta. Binata naman daw sya. Mas matanda ako sa kanya, pero ang dami na nyang na-experience sa buhay.

 

Dati raw syang artista sa atin – bakit kaya hindi ko sya napapanood noon? Twice na daw syang naging body dobol ni Ronnie Ricketts sa pelikula – kaya naman pala, hindi kasi ako mahilig sa action movies eh. Ang pangarap nya ay maging Fitness First instructor dito sa Dubai kaya lang since wala syang experience at training certificate eh hindi sya matanggap. Dubai ang first travel nya outside the Philippines. Matagal na daw syang naghahanap ng mapapangasawa kasi feeling daw nya handa na sya mag-settle down.

 

Sa mga kwento ni Jhonard, obvious na wala syang ambisyon sa buhay. Biruin mo sa edad nyang yun eh nakikipagsapalaran pa rin sya – at wala pang pinatutunguhan ang buhay nya. Pero atleast maalaga sya sa katawan nya. Masipag syang mag-gym kaya naman saksakan ng kisig ng pangangatawan nya. Atleast masasabi mo na may disiplina naman sya di ba? Fifty pogi points na rin! Atsaka kapag kasama ko sya, feeling ko girl na girl ako. Sa tindi ng pagka-macho nya feeling ko 21 ang waistline ko.

 

Grabe, hindi namin namalayan na pawis na pawis na pala kami sa sobrang humid. Nag-aya nang bumalik sa parking si Jhonard para makapagpalit daw sya ng t-shirt. I thought of calling it the nights na sana pero halos malaglag sa buhangin ang mga mata ko nang maghubad ng shirt sa harap ko si Jhonard. Naka-slow motion ang buong pangyayari. Dahan dahan nyang hinubad ang suot nya habang patuloy na tumutulo ang pawis mula sa dibdib at braso nya na halos pumutok sa laki ng muscle. Naka-nganga lang ako habang nagpapalit sya ng t-shirt… Miski 45 degrees eh nangatog ang mga tuhod ko at nanlamig ako. Iba talaga ang kisig Pinoooooyyyy!!! Biglang kong naisip ang imahen ni BFF Sheila na may sungay at buntot – nan-dedemonyo ang bruha! Kaya miski nagdalawang isip pa man din ako noong una, minadali ko nang inaya si Jhonard na paandarin na ang kotse nya para makauwi na kami sa flat ko for a nightcup.

 

Hindi ko noon naisip na magiging advantage pa pala ang pagiging mag-isa ko sa flat habang nakabakasyon ang mga flatmates ko. Sa wakas, solong solo ko ang buong flat at walang mga asungot! Pagdating namin sa flat ay dumiretso agad ako sa banyo upang mag-shower at magpalit ng something sexy. Bilin ko kay Jhonard na to help yourself around and feel like at home.

 

Paglabas ko ng banyo ay muntik na akong mapa-tumbling sa nakita ko. Naka-sando na lang si Jhonard habang biglang tumugtog ang “Careless Whisper” mula sa component ko. Nagsimulang magpa-giling giling na parang kitikiti si Jhonard habang nakatitig sa akin… Parang bulate ang katawan nya na nagma-macho dancing at may pa-pikit-pikit pa ng mga matang nalalaman. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko, pakiramdam ko ay nalumpo na yata ako sa mga nakita ko. Kinuha ni Jhonard ang mga kamay kong nanginginig at ipinatong nya ito sa mga balikat nya. Inilagay naman nya sa baywang ko ang mga kamay nya habang patuloy pa rin sya sa pag-giling. Bigla akong nilagnat at sabay pinagpawisan ng pagkalamig-lamig. Juskooooooo!!!! Patawarin nyo po ako… ayoko po sanang magkasala pero …

 

Biglang tumunog ang Blackberry! Anak ng! Istorbo, naman… malapit na eh…may nag-text pa!

 

Inabot ko ang celfone ko upang basahin ang message. Oh may gas, it’s Adam! “Hi honey! How are you? Hope you’re doing fine. Missing you and see you soon. Love, Adam” Parang biglang may matinding sumampal sa akin. Napatigil ako. Bumitaw ako kay Jhonard at biglang nagising. Teka, teka… ano ba itong ginagawa ko? Naturingang may boyfriend ako tapos kung kani-kanino ako nakikipag-dirty dancing? Nabitawan ko ang hawak kong celfone at noon ko naramdaman na mali pala ang pinag-gagagawa ko. Natauhan ako bigla. Sabi ko sa sarili ko kung anu ano ang hinihinala ko kay Adam pero heto akong nakikipaglaro ng apoy?

 

Dali-dali akong naghilamos at nagbihis ng pajama. Kinakatok ako ni Jhonard sa banyo pero hindi ko sya pinagbuksan. I had to text back Adam. Pero ano ang isasagot ko? I am lost for words. Type ako ng type pero walang sense lahat ng spelling ko. Huminga ako ng malalim… Napaluha ako at naawa sa sarili ko. Siguro ito ang palatandaan na hindi talaga ako bad girl. Na senyales ito mula sa langit at kinailanagan kong gawin ang lahat para maisalba ang sarili ko from committing a mortal sin.

 

Nang mahimasmasan na ako ay tinext ko na si Adam na okey naman ako at nami-miss ko na din sya. It felt good. Para bang nakawala ako mula sa kumunoy na pilit na humihigop sa akin para malunod sa putik.

 

Paglabas ko ng banyo ay nag-apologize ako kay Jhonard. Cool naman sya at nagpaalam na rin agad agad. Tinawagan ko si BFF Sheila and told her what happened – gaga daw ako – ginto na naging bato pa. Hindi ako nanghinayang sa totoo lang. I’m glad I was able to see the light and resist temptation. What I have with Adam is long term and more meaningful compared to a few minutes of guilty pleasure. I’m so glad I made the right choice! Dizzizit!

 

Kaya magmula noon, kapag nangungulila ako kay Adam at naiinitan sa tindi ng humidity ng panahon, tinotodo ko na lang ang AC sabay takbo sa banyo upang mag-cold shower. It’s so effective – guity free and cost free! Try it to believe it!

0 Comments